Huwebes, Abril 9, 2020

Mabuti't di sumasamâ ang lasa


Mabuti't di sumasamâ ang lasa

habang salot na COVID-19 ay nananalasa
na sa buong daigdig ay tinuring na pandemya
mabuti't kami rito'y di sumasamâ ang lasa
pamilya'y inaalagaan habang kwarantina

ang sabi nga sa patalastas: "Bawal magkasakit!"
"Gamot ay laging bago", ang isang botika'y hirit
"Huwag mahihiyang magtanong", alam na kung bakit
sa isa'y "Mabisa na, matipid pa", presyo'y sulit

maagang gigising, magpapainit sa umaga
di ng kape o bahaw, kundi ulo hanggang paa
kailangang mainitan ang katawan tuwina
upang lumusog at mapalakas ang resistensya

iba ang sitwasyon ngayon sa ating kasaysayan
kaya pangalagaan na ang sariling katawan
kahit nagtitipid basta huwag lang magutuman
at kalusugan ng pamilya'y huwag pabayaan

- gregbituinjr.
04.09.2020 (Araw ng Kagitingan)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtula habang nasa ospital

PAGTULA HABANG NASA OSPITAL inaaliw ko ang sarili sa pagtula sa ospital, kay misis ay nagbabantay pa dito sa silid ay maraming nakakatha suw...