Huwebes, Abril 9, 2020

Di tayo sisiw na basta pagsasamantalahan


Di tayo sisiw na basta pagsasamantalahan

di tayo sisiw na basta pagsasamantalahan
ng mga ibong mandaragit at tusong gahaman
tayo'y may dignidad na laging pinanghahawakan
na iwing dangal ay dapat irespeto ninuman

di bahag ang buntot natin sa sinumang berdugo
na naglalaway sa dugo't nanonokhang ng tao
matindi pa sa COVID-19 ang salot na ito
sasabihing nanlaban kahit dukha'y nagsusumamo

di bahag ang buntot natin sa sinumang diktador
na dinulot sa bayan ay barbarismo, que horror!
mga tiwali ang sa pamahalaan nagmotor
na dapat labanan ng bayan ng giting at balor

mahalaga ang buhay sa bawat pintig ng puso
idaan sa wastong proseso ang tungkuling hinango
wala silang karapatang buhay ay mapaglaho
ngunit sa kanila'y kaysaya ng mga hunyango

mahihirap man kami, mayroon kaming dignidad
na ipaglalaban gaano man ang aming edad
maralitang nagsisikap ding buhay ay umunlad
basta't nasa tama, at wasto ang mga palakad

- gregbituinjr.
04.09.2020 (Araw ng Kagitingan)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtula habang nasa ospital

PAGTULA HABANG NASA OSPITAL inaaliw ko ang sarili sa pagtula sa ospital, kay misis ay nagbabantay pa dito sa silid ay maraming nakakatha suw...