PALAYAIN ANG MENDIOLA 216!
noong Setyembre twenty-one, maraming dukha
ang nasa Mendiola, nakipagbakbakan
na karamihan ay tinedyer, talubata
ekspresyon ng galit sa mga kurakutan
naalala ko ang Nepal at Indonesia
sa kanila, nagkaroon ng pagbabago
sa Nepal, niluklok ng mamamayan nila
yaong unang babaeng pinunong ministro
sa Indonesia, putok na isyu'y pabahay
ng mga mambabatas, sa rali binangga
ng pulisya ang isang rider at namatay
ang kaytinding gulo'y dito na nagsimula
sa bansa, napatay ang isang Eric Saber
na umano'y di naman kasama sa rali
hustisya na'y panawagan, ito na'y murder
habang mga pulis, kayrami nang hinuli
nasa dalawandaan, labing-anim yaong
dinampot ng pulis, ito nga'y kahungkagan
tingin ko, lehitimong galit sa korapsyon
ang ipinakita ng mga kabataan
kaya ngayong Black Friday Protest, aking hiyaw:
palayain na ang Mendiola Two-One-Six!
hulihin ay mga Senador na nagnakaw
sa kaban ng bayan, perang dapat ibalik
- gregoriovbituinjr.
10.03.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento