Lunes, Abril 10, 2023

Libangan

LIBANGAN

sa dyaryo'y may napaglilibangan
na palagi kong inaabangan
lalo na yaong palaisipan
may payo pa sa naguguluhan

ah, nakalilibang ba ang payo
o 'yung payo'y may itinuturo
nang iwing buhay ay di gumuho
mabatid ang problema't siphayo

sa krosword ay di ka maiinip
pagkat isang hamon, nag-iisip
isasagot anumang nalirip
animo'y mayroon kang nasagip

sa ibang dyaryo'y sasagutan ko
ang palaisipan sa numero
may Aritmetik at may Sudoku
na talagang kagigiliwan mo

ganyan ang buhay ko pagkaminsan
kapag wala sa mga labanan
problema't payo'y babasahin man
ay sasagot ng palaisipan

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang plato pa rin tayo sa kaarawan mo

DALAWANG PLATO PA RIN TAYO SA KAARAWAN MO dalawang plato pa rin ang inihanda ko sa kaarawan mo, mahal, tig-isa tayo bagamat alam kong ako la...