Biyernes, Disyembre 5, 2025

Panagimpan

PANAGIMPAN

nanaginip akong tangan ang iyong kamay
ngunit nagmulat akong wala palang hawak
alas-tres ng madaling araw na'y nagnilay
kung anong kahulugang sa isip naimbak

aking sinta, mula nang ikaw ay pumanaw
nahihimbing akong kayraming nalilirip 
nararamdaman ko pa rin ang pamamanglaw
at sumasagi kang bigla sa aking isip 

narito akong ginagampanan ang misyon
at tungkulin dito sa bayang sinumpaan
batid kong ginagabayan mo ako ngayon
na payo'y huwag pabayaan ang katawan

di ko hahayaang ang masang umaasa
ay maiwanan na lamang sa tabi-tabi
salamat, sa panaginip ko'y dumalaw ka
habang ako'y nagsisilbing tinig ng api

- gregoriovbituinjr.
12.05.2025

* larawan mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panagimpan

PANAGIMPAN nanaginip akong tangan ang iyong kamay ngunit nagmulat akong wala palang hawak alas-tres ng madaling araw na'y nagnilay kung ...