Martes, Nobyembre 18, 2025

Pusang galâ

PUSANG GALÂ

may lumapit na namang pusang galâ
sa bahay, tilà hanap ay kalingà
pinatuloy ko sa bahay ang pusà
baka gutom ay mapakain ko ngâ

basta may pusang lumapit sa akin
basta mayroon lang tirang pagkain
tiyak siya'y aking pakakainin
baka siya'y may anak na gutom din

buting gayon kaysa ipagtabuyan
ang pusang dumadalaw sa tahanan
para bang may malayong kaibigan
na kumakatok sa aming pintuan

subalit sa labas pinatutulog
ang mga pusang galâ pag nabusog
may latagan sila kapag inantok
pag nagutom muli, sila'y kakatok

- gregoriovbituinjr.
11.18.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1351776999929255

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hapunan ko'y potasyum

HAPUNAN KO'Y POTASYUM taospusong pasasalamat sa nagbigay nitong potasyum tiyak na rito'y mabubundat bigay mula sa isang pulong dalaw...