Huwebes, Oktubre 2, 2025

Sa pagitan ng kaarawan at dalamhati

SA PAGITAN NG KAARAWAN AT DALAMHATI

lumuluhà pa rin / ang pusò kong sawi
kahit nagdiriwang / nitong kaarawan
pagkat nawalâ na / ang pagsintang mithi
na tanong ko'y bakit / anong aga naman

idinaraan ko / na lang sa pagkathâ 
ng kwento, pabulâ, / pagtula't sanaysay
ang danas kong lumbay / na di na kailâ
mga tulâ na lang / ang sa mundo'y tulay

sa pagdalamhati't / luha mababakas
ang nararamdaman / ng loob kong ito
wika ng dakilang / makatang Balagtas 
ay nasa pusò pa't / naaalala ko:

"O, pagsintang labis / ng kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa pusò ninuman
Hahamakin lahat, / masunod ka lamang."

ay, kaya ko pa ba? / sa sarili'y tanong
idinaraan ko / na lang sa pagrali
ang hirap ng loob, / taludtod at saknong 
para sa sinta kong / ngalan ay Liberty

- gregoriovbituinjr
10.02.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Imbis iprito ang itlog, isapaw sa iniinin

IMBIS IPRITO ANG ITLOG, ISAPAW SA INIININ imbis iprito ang itlog isapaw sa iniinin wala nang mantikang sahog sasarap pa itong kain payak na ...