Linggo, Oktubre 19, 2025

Ikaw'y aking di malimot na gunitâ

IKAW'Y AKING DI MALIMOT NA GUNITÂ

ikaw'y aking / di malimot / na gunitâ
aking sinta, / diwata ko't / minumutyâ
naligalig / ako't sadyang / natulalâ
hanggang ngayon / sa bigla mong / pagkawalâ

saan nga ba / ang tulad ko / patutungò
pag-ibig ko / sa iyo'y di / maglalahò
nadarama'y / pagkabigo, / nasiphayò
ang buhay ko'y / para bagang / nasa guhò

O, Liberty, / anong ganda / ng 'yong ngalan
sa pandinig: / Kalayaan, / Kasarinlan
makilala / ka'y malaking / karangalan
ibigin mo'y / ligaya ko / nang nakamtan

ako'y bihag / ng ngiti mong / anong ganda
ng mukha mong / sa puso ko'y / humalina
nagdugo man / yaring puso't / nagdurusa
ay di kita / lilimutin, / aking sinta

- gregoriovbituinjr.
10.19.2025

* litratong kuha sa Bantayog ng mga Bayani, Abril 24, 2019, sa ika-39 na anibersaryo ng kamatayan ni Macli-ing Dulag

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...