Martes, Agosto 12, 2025

Low carb diet, tula 2

LOW CARB DIET, TULA 2

mabigat sa tiyan / at nakabubusog
kahit walang kanin / ay di mangangatog
aba, kagabi nga, / kaysarap ng tulog
tila nangangarap / ako ng kaytayog

oo, walang kanin, / gulay at isda lang
ngunit mga tinik / ay pakaingatan
ang sabaw ng talbos / ay kaysarap naman
sibuyas, kamatis, / lasap ang linamnam

low carb diet na nga'y / aking sinusunod
buti't may ganito, / nang di mapilantod
lalo't ang tulad ko'y / tuloy sa pagkayod
bumaba ang sugar / ang tinataguyod

simpleng pamumuhay, / puspusang pagbaka
sa bayan at sakit, / at magpalakas pa
katawang malusog / at kaaya-aya
ang isang adhika / ng lingkod ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.12.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...