Sabado, Hulyo 12, 2025

Centrum, pandesal at Revicon

CENTRUM, PANDESAL AT REVICON

payak lamang yaring pamumuhay
subalit narito't napagnilay
katawan ay palakasing tunay
sa kabila ng danas na lumbay

kaya aking inalmusal ngayon
ay Centrum, pandesal at Revicon
lumakas at ituloy ang misyon
bagamat gunita ang kahapon

sapagkat kayrami pang gagawin
unang nobela pa'y kakathain
kathang maikling kwento'y tipunin
pati na mga ginawang salin

balak tapusing pagsasaaklat
ng tula't anumang nadalumat
ng kwento't sanaysay na nasulat
habang patuloy na nagmumulat

- gregoriovbituinjr.
07.12.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...