Sabado, Abril 19, 2025

Umuwi muna sa bahay

UMUWI MUNA SA BAHAY

Sabado, umuwi muna ako sa bahay
mula ospital, nang dito magpahingalay
naiwan ang dalawang pamangkin ni Libay
pati kanyang hipag na sa dalawa'y nanay

lumipas ang mahigit na dalawang linggo
ngayon lang umuwi sa bahay naming ito
agad nagwalis ng sala, kusina't kwarto
nagsaing, nagluto, naglaba na rin dito

sa umaga balak bumalik ng ospital
marahil, matapos kumain ng almusal
upang tupdin ang tungkulin sa minamahal
kung saan nakaratay na roong kaytagal

kailangan din nating magpahingang sadya
babangon muli upang loob ay ihanda
at sa aming kama'y muli akong nahiga
mata'y pinikit nang may inaalagata

- gregoriovbituinjr.
04.19.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kay-agang nawala ni Maliya Masongsong, 4

KAY-AGANG NAWALA NI MALIYA MASONGSONG, 4 kay-aga mong nawala, doon pa sa NAIA dahil sa isang di inaasahang disgrasya amang paalis ay hinatid...