Biyernes, Marso 21, 2025

Si Ariel Tabag ng magasing Bannawag at ako

SI ARIEL TABAG NG MAGASING BANNAWAG AT AKO
(Alay sa World Poetry Day)

kapwa kami may inilunsad na libro ng UP Press
"Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig" na salin ko
isa siya sa tatlong nagsalin: "Sa Bagani Ubbog"
na mga kwentong Ilokano ni Reynaldo A. Duque

bungad nga niya, "Ikaw ba ang asawa ni Liberty?"
"Oo", agad kong tugon, nakwento na siya sa akin
ni misis pagkat ang asawa nito'y social worker ding
katulad ni misis, aba, mundo nga'y sadyang kayliit

unang beses iyon na siya'y makadaupang palad
nasa patnugutan si Ariel ng magasing Bannawag
ako'y nasa pahayagang Taliba ng Maralita
binigyan ko rin siya ng kopya ng dyaryong Taliba

sa iyo, Ariel S. Tabag, taasnoong pagpupugay
ikinararangal kong nakasalamuha kang tunay
daghang salamat, nobelista, kasalin, kamakatâ
nawa'y maging matagumpay ka pa sa iyong pag-akdâ

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* litratong kuha sa Pagmayaw: Paglulunsad ng mga Bagong Aklat ng UP Press 2024 na ginanap sa UP, Marso 20, 2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang berdugo'y di magiging bayani

ANG BERDUGO'Y DI MAGIGING BAYANI tila nais palabasin ng kanyang anak na kung uuwi'y baka mamatay sa tarmak baka mapagaya kay Ninoy s...