NAGKITA KAMI NG MAKATANG GLEN SALES SA PHILIPPINE BOOK FESTIVAL 2025
nagkita rin kami ng makatang Glen Sales
sa SM Megamall, Philippine Book Festival
habang bumibili doon sa UST Press
ng tiglilimampung pisong presyo ng aklat
at nagkumustahan ang mahilig sa tulâ
kararating ko lang, nagbabayad na siya
ng mga nagustuhang librong nanunudlâ
sa diwà, sa sahig ako'y lumupagi na
tiningnan ang mga aklat pampanitikan
mumurahin man ngunit pawang malalalim
habang siya naman ay agad nagpaalam
habang ako'y kayraming librong pipiliin
ang pananaludtod niya'y sadyang kayhusay
siya'y makatang talaga namang kaygaling
mabuhay ka, Glen Sales, ako'y nagpupugay
sa mga tula mong sa diwa'y nanggigising
- gregoriovbituinjr.
03.15.2025
* ang Philippines Book Festival ay mula Marso 13-16, 2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento