Biyernes, Enero 17, 2025

Prayoridad

PRAYORIDAD

kayrami kong prayoridad na iniisip
na kinakayang dalhin ang anumang bitbit
pangalagaan ang misis na nagkasakit
pagbabasa ng dyaryo't librong nahahagip

pagsusulat sa Taliba ng Maralita
publikasyon ng KPML, nalathala
roon ang mga isyu at laban ng dukha
pati isyu't tindig ng uring manggagawa

talagang wala nang panahon sa inuman
mayroon sa rali, inuuna'y tahanan
gawaing bahay, luto, laba, kalinisan
pagkatha ng nobela'y pinaghahandaan

katha ng katha ng sanaysay, tula't kwento
pahinga'y sudoku't pagbabasa ng libro
sa ganyan umiinog ang munti kong mundo
sa pamilya, sa Taliba't kakathain ko

- gregoriovbituinjr.
01.17.2025

* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...