Linggo, Marso 3, 2024

Inihandang talumpati para sa kalikasan

INIHANDANG TALUMPATI PARA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan sa akin ang mabigyan muli ng pambihirang pagkakataong tumula sa harap ng mga dadalo sa Sining Luntian: Eksibit, Musika at Talakayan para sa Kalikasan na ginaganap ng dalawang araw, mula Marso 2-3, 2024 sa Grand Atrium, Robinsons, sa Las Piñas. Ito na ang ikalawa kong pagtula sa aktibidad na iyon. Ang una ay ilang taon na ang nakararaan, sa lugar ding iyon, na kasama ko si misis.

Subalit bukod sa pagbigkas ng tula, naanyayahan din akong maging panelist sa talakayang pinamagatang Panel Discussion: Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action). Naka-iskedyul ang nasabing talakayan sa ganap na ikaanim ng hapon ng Marso 3, 2024.

Sa ganitong pagkakataon ay dapat nakahanda at hindi basta pupunta na lang sa pagtitipon nang aanga-anga at bahala na si Batman. Tulad ng Boy Scout, dapat laging handa. Kaya naghanda ako ng aking sasabihin, kung sakali, upang tuloy-tuloy at hindi doon lang ako mag-iisip ng aking sasabihin. 

Narito ang aking inihandang munting panayam o talumpati na bibigkasin ko sa nasabing pagtitipon:

ANG TALUMPATI

Magandang gabi po sa ating lahat.

Isang karangalan po ang maging bahagi ng ganitong pagtitipon ng mga makakalikasan, ekolohista o environmentalist, o yaong may mga pagpapahalaga sa kalikasan. Sabi nga, pag naanyayahan ka tulad nito, agad mo itong paunlakan dahil bihira ang ganitong pagkakataon.

Isang karangalang maging isa sa tagapagsalita sa Panel Discussion na Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action), sa dalawang araw na aktibidad na Sining Luntian: Musika, Eksibit, at Talakayan Para sa Kalikasan dito sa Robinsons Las Piñas, dahil na rin sa imbitasyon ni Ginoong David D'Angelo, na tumakbong senador noong nakaraang halalan. Tatakbo kaya siya sa susunod na eleksyon? Ating siyang suportahan. Kailangan natin ng kampyon para sa kalikasan.

Sa paksang Role of Arts and Culture in Climate Action ay agad akong sumang-ayon upang ibahagi ang mga karanasan sa nilahukan kong dalawang beses na Climate Walk from Manila to Tacloban, at isa sa internasyunal. Una ay noong 2014 mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014, sa unang anibersaryo ng Yolanda. At ikalawa, ay noong nakaraang taon, mula Oktubre 8 hanggang Nobyembre 7, 2023, sa bisperas ng ikasampung anibersaryo ng Yolanda. Nakalahok din ako sa French leg ng Climate Pilgrimage from Rome to Paris mula Nobyembre 7 hanggang Disyembre 14, 2015, at nasaksihan ang pagkapasa ng Paris Agreement sa COP21. Doon ay dinala rin natin ang Filipino version ng Laudato Si, na isinalin sa wikang Filipino ng inyong lingkod. Sa tatlong okasyong iyon ay kinatawan ako ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Sa ngayon ay isinuot kong muli ang tshirt na ginamit sa Climate Walk 2023.

Ano nga ba ang papel ng makata sa pagtataguyod ng kagalingan ng kalikasan at ng hustisyang pangklima o Climate Justice? Ang papel ng makata ay hindi lamang para siyang nasa toreng garing o ivory tower na tinutula lang ano ang magaganda. Tulad ng alay na bulaklak sa isang dalaga, tulad ng pagpitas ng bituin upang ikwintas sa nililiyag, tulad ng pag-ibig sa sinisinta, kundi maging konsensya ng bayan. Ika nga ng makatang Pranses na si Percy Byshe Shelley, "Poets are the unacknowledged legislators of the world." Sabi naman ni Ho Chi Minh, na lider noon ng Vietnam, “Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Sa pagkamalikhain naman, ayon sa makatang Carl Sandburg, "Poetry is an echo, asking a shadow to dance" tulad ng pinagsasalita ng makata ang araw, ang buwan, boteng plastik, upos ng yosi, isda at pusit na kumain ng microplastic, batang nangangalakal, mismong kalikasan.

Dapat kasama rin ang makata sa pagkilos, hindi lang pulos sulat at salita, kundi higit sa lahat ay sa gawa, tulad ng pagtula sa rali. Bilang makata, may nakahanda na akong bolpen at papel, o notbuk upang doon ko isulat nang patula ang aking naging karanasan o kaya'y mga naiisip. Bawat tula’y tinitiyak kong may tugma at sukat, at magkakapareho ang bilang ng pantig bawat taludtod.

Noong panahon ng paglalakad ng kilo-kilometro sa Climate Walk, madalas ay sinusulat ko iyon sa araw, pag may nakitang magandang punto na dapat isulat, talakayin o tuligsain, saka na tinatapos sa gabi bago matulog. Habang tinitiyak pa rin ang tugmaan at sukat ng bawat taludtod.

Nakapaglathala ako ng aklat ng tula noong 2014 na pinamagatang "Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk Bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya" at ang book launchging nito ay ginanap sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA malapit sa Ortigas noong Disyembre 18, 2014.

Narito ang isang tulang kinatha ng inyong lingkod noong Oktubre 7, 2014 habang nagpapahinga kami sa Our Lady of the Candle sa Candelaria, Quezon.

MGA PAANG NANLILIMAHID

nanlilimahid sa dumi ang mga paa
kilo-kilometrong hakbang ang pinuntirya
tila kilo-kilong libag ang nanalasa
anaki'y nasa paglulupa ang pag-asa

ang mga paang sa dumi nanlilimahid
sa iba't ibang bayan kami'y inihatid
upang hustisyang pangklima'y maipabatid
sa masa upang sa dilim ay di mabulid

ang mga paa'y nanlilimahid sa dumi
mitsa ang Climate Walk na kanilang sinindi
upang tao't gobyerno sa kapwa'y magsilbi
ng taos-puso sa araw man at sa gabi

nanlilimahid man ang mga paa namin
ito'y para sa isang magandang layunin
upang sa climate change itong mundo'y sagipin
at Climate Justice Now! ang sigaw na mariin

Kinatha naman sa banal na nayon ng Taize sa Pransya habang kami'y naroroon noong 14 Nobyembre 2015 ang sumusunod na tula:

MASUKAL ANG LANSANGAN PATUNGONG TAIZE

Masukal ang lansangan patungong Taize
Umagang sabik kaming umalis ng Cluny
Labing-isang kilometro, dumating kami
Bago magpananghali, buti’t di ginabi

Dinaanan namin ay dawag, kabukiran
Akyat-baba, tambak ang dahong naglaglagan
Rantso, kayraming bakang inaalagaan
Hanggang ang tinahak na’y gilid ng lansangan

Sa banal na nayon ng Taize tumigil
At isinuko roon anumang hilahil
Sa aming adhika’y walang makapipigil
Lalo’t hustisyang pangklima ang umukilkil

Di ko malilimot ang nayon ng Taize
Ang pagdatal dito’y ipinagmamalaki
Banal na nayong nagsisilbi sa marami
Sana dito’y makabalik pa muli kami

Sa Climate Walk 2023, ginawan naman ng Greenpeace ng video ang isa sa aking tula, kung saan bawat taludtod ay binigkas ng mga kasama sa Climate Walk. Narito ang tula:

PAGNINILAY SA CLIMATE WALK

O, kaylamig ng amihan sa kinaroroonan
habang nagninilay dito't nagpapahinga naman
tila ba kami'y kawan ng ibon sa himpapawid
na mga bundok at karagatan ang tinatawid

magkakasama sa dakilang misyon na Climate Walk
na climate emergency ang isa sa aming tutok
na climate justice sa bayan ay itinataguyod
mapagod man, naglalakad kami ng buong lugod

pagsama sa Climate Walk ay malaking karangalan
kaunti man ang lumahok sa mahabang lakaran
mahalaga'y maipahayag ang aming layunin
na climate emergency ay harapin na't lutasin

ipabatid ano ang adaptation, mitigation
ano ang climate fund, bakit may climate reparation
paano maghanda ang mga bansang bulnerable
Climate Justice Walk, ang pangalan pa lang ay mensahe

Maraming salamat po!

03.03.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kaligtasan

KALIGTASAN kaligtasan niya'y prayoridad ito ang talaga kong naisip nang karamdaman niya'y nalantad sa akin, dapat siyang masagip din...