Martes, Agosto 1, 2023

Ang aklat ng mga kwento ni Manuel Arguilla

ANG AKLAT NG MGA KWENTO NI MANUEL ARGUILLA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na "The Essential Manuel Arguilla Reader" nang minsang mapagawi ako sa Malabon City Square sa Letre. Nito lang Hulyo 17, 2023, nang manggaling ako sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas, at nang pauwi na ay nilakad ko mula roon hanggang sa MC Square.

Sa sangay ng National Book Store sa MC Square ko nakita ang nasabing aklat na nagkakahalaga ng P250.00, at agad ko iyong binili. Klasiko na kasi sa panitikang Pilipino ang awtor, at bihira na ang koleksyon ng kanyang mga akda. Mabuti't natyempuhan ko iyon. Kilala siya dahil ilang beses na siyang nababanggit sa mga sanaysay hinggil sa panitikang Pilipino sa wikang Ingles bago pa ang panahon ng pananakop ng Hapon sa ating bayan. Inilathala iyon ng Anvil Publishing noong 2019. 

Si Manuel Arguilla ang isa sa mga manunulat na Ilokano sa wikang Ingles noong panahon bago mag-Ikalawang Daigdigang Digmaan (WWII). Popular na nababanggit sa ilang mga sanaysay ang kanyang maikling kwentong "How My Brother Leon Brought Home a Wife," kung saan nagwagi iyon ng unang gantimpala sa Commonwealth Literary Contest noong 1940.

Ayon sa likod na pabalat ng aklat, karamihan sa kanyang mga kwento ay naglalarawan ng buhay sa Nayon ng Nagrebcan, sa Bauang, La Union, kung saan siya isinilang noong 1911. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Education noong 1933 sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging kasapi siya at sa kalaunan ay naging pangulo ng UP Writers' Club at naging patnugot ng Literary Apprentice. Napangasawa niya si Lydia Villanueva na isa ring magaling na manunulat, at nanirahan sila sa Ermita, Maynila.

Nagturo si Arguilla ng malikhaing pagsusulat sa Unibersidad ng Maynila at nagtrabaho sa Bureau of Public Welfare bilang managing editor ng Welfare Advocate hanggang 1943. Hanggang siya'y mahalal sa Board of Censors. Sa kalaunan, lihim niyang itinatag ang isang yunit paniniktik ng gerilya noong panahon ng digmaan laban sa Hapon. Noong Agosto 1944, nadakip ng mga kalaban si Manuel Arguilla at pinatay ng mga Hapon.

Ang nasabing aklat ay may Pambungad ni Jose Y. Dalisay Jr., isa ring manunulat at nakapaglathala na ng nasa higit tatlumpung aklat. Ayon kay Dalisay, may labingsiyam na kwento si Arguilla sa koleksyon nito noong 1940, na pinamagatang "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories".

Gayunman, may nadagdag na anim na akda sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" na binubuo ng  dalawampu't apat na maikling kwento at isang sanaysay. Talagang kasasabikan mong basahin ang mga ito, hindi lang dahil magaganda ang mga kwento, kundi dahil kakaunti lang ang mga manunulat na Pilipino sa wikang Ingles ang nalathala bago magkadigma. Kumbaga, mga klasikong kwento talaga. Pinagsikapan talaga ng tagapaglathala ng aklat na hanapin pa ang ibang akda ni Arguilla.

Narito ang pamagat ng 25 akda ni Arguilla sa nasabing aklat, batay sa talaan ng nilalaman, kung saan dalawampu't apat ay kwento, habang may isang sanaysay - ang Rereading the Noli, Fili.
1. Midsummer
2. Morning in Nagrebcan
3. Ato
4. Heat
5. A Son is Born
6. The Strongest Man
7. How My Brother Leon Brought Home a Wife
8. Mr. Alisangco
9. Though Young He is Marries
10. The Maid, the Man, and the Wife
11. Elias
12. Imperfect Farewell
13. Felisa
14. The Long Vacation
15. Caps and Lower Case
16. The Socialists
17. Epilogue to Revolt
18. Apes and Men
19. Rice
20. Grit
21. Misa de Gallo
22. Epilogue to a Life
23. Seven Bedtime Stories
24. Rereading the Noli, Fili
25. Rendezvous at Banzai Bridge

Sa http://pinoylit.webmanila.com/filipinowriters/arguilla.htm ay nasaliksik natin ang 19 na kwento sa "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories", at ang nadagdag na anim sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" ay ang huling anim na kwento nito - ang Grit, Misa de Gallo, Epilogue to a Life, Seven Bedtime Stories, Rereading the Noli, Fili, at ang Rendezvous at Banzai Bridge. Mabuti't ang anim na iyon ay natagpuan pa ng mga makabagong mananaliksik upang ating mabasa at manamnam ang iba pa niyang akda. Maraming salamat.

Sa pagninilay, sinubukan kong gawan ng tula si Manuel Arguilla, batay sa ilang mga saliksik:

MANUEL ARGUILLA, MAHUSAY NA MANUNULAT
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

isang mahalagang moog ng ating panitikan
si Manuel Arguilla, manunulat mula Nagrebcan
sa Bauang, La Union; sa kanyang angking kahusayan
ay nakapagsulat ng kwentong sadyang kainaman

siya ay Ilokanong nagsulat sa wikang Ingles
inilarawan ang Nagrebcan sa akdang makinis
ikinwento ang buhay ng dukhang sa dusa'y labis
pati magsasakang sa pagkadalita nagtiis

B. A. in Education ang kursong tinapos niya
naging kasapi't pangulo ng U.P. Writers's Club pa
sa Literary Apprentice naging patnugot siya
naging managing editor ng Welfare Advocate pa

labingsiyam na kwento ang una niyang koleksyon
na sa atin ay pamana ng kanilang kahapon
dalawampu't apat na kwento't 'sang sanaysay ngayon
anim na bagong saliksik na sa aklat tinipon

sa huling bahagi ng buhay sa bayan naglingkod
sa mga gerilyang Pilipino'y naging gulugod
nilabanan ang mga Hapon, kasamang sumugod
hanggang dakpin siya't pinaslang ngunit di lumuhod

mabuhay ka, Manuel Arguilla, at iyong sulatin
bawat akda'y pamana sa henerasyong parating
maraming salamat sa kwento, bayaning magiting
at di ka na maglalaho sa panitikan natin

08.01.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...