Miyerkules, Nobyembre 9, 2022

Haraya

HARAYA

sabi'y balikan ang busilak na imahinasyon
haraya'y paganahin, huwag laging nakakahon
sa isang paksa o silid, minsan ay maglimayon
galugarin ang paligid, balikan ang kahapon

baka matanaw ang kawan ng ibong lumilipad
sa mandaragit, ang inakay ay huwag ilantad
yaon daw laki sa layaw ay karaniwang hubad
alagaan ang kutis kung sa araw nakabilad

pumapailanglang ang haraya hanggang sa dulo
at muling bubulusok tungo sa putikang kanto
aaliwalas ang langit, maya-maya'y may bagyo
ingat lang sa lestospirosis kapag nagdelubyo

patuloy tayong kumibo pag may isyung pangmadla
dahil nagmamakata'y mamamayan din ng bansa
kung may bulkang sasabog o rumaragasang baha
o pagtaas ng presyo'y pahirap sa manggagawa

sa ating mga katha'y magandang isalarawan
maging pagsasamantala't buhay ng karaniwan
ngitngit ng kalikasan, pagbabago ng lipunan
ito'y ating ambag sa pagyabong ng panitikan

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...