Huwebes, Marso 24, 2022

Kaytinding virus

KAYTINDING VIRUS

bago pa ang pandemya ng COVID
ay dama na sa mundo't paligid
ang virus na kaytinding pumatid
ng buhay ng maraming kapatid

kaytinding virus, di matugunan
at di rin ito mapag-usapan
dahil dukha lang ang tinamaan?
at di ang mayayamang iilan?

mabuti pa nga ang COVID 19
at buong mundo'y nagbigay pansin
laksa'y namatay, mayayaman din
walang sinino ang COVID 19

ngunit ang virus ng kagutuman
na naging salot sa daigdigan
pumatay ng laksang mamamayan
ay di man lang napapag-usapan

bakit? bakit ganyan ang naganap?
dahil tinamaan ay mahirap?
at di mayayamang tuso't korap?
pag kagutuman, walang mangusap!

subalit pagkain ang bakuna
paglutas dito'y di ba makaya?
dahil kapitalismo'y sistema?
mapangyurak sa dangal ng masa?

nalalantad ang katotohanan
mayaman kasi'y di tinamaan
kaya di mabigyang kalutasan
ang virus: ngalan ay KAGUTUMAN!

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022
* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...