Miyerkules, Pebrero 2, 2022

Tampuhan

TAMPUHAN

para ba silang aso't pusa pag nagkatampuhan?
datapwat nagkakabalikan pag nag-unawaan
mga bagay ay nakukuha sa paliwanagan
upang muli namang tumamis ang pag-iibigan

bigla na lang ba siyang mananahimik sa tabi
masama na ang loob at di na napapakali
magsasawalang-kibo lang nang walang sinasabi
di na mag-uusisa sa nakita't nangyayari

huwag takbuhan ang problema o pagkasiphayo
harapin ang anumang pagdududa't panibugho
mag-usap ng masinsinan hanggang tampo'y maglaho
anumang problema'y lutasin ng buong pagsuyo

anong hirap magkatampuhan sa maling akala
o kaya pinapakita'y pawang tamang hinala
ipaliwanag natin kung anong ating nagawa
upang alitan o tampuhan ay di na lumala

- gregoriovbituinjr.
02.02.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...