Huwebes, Agosto 5, 2021

Maling tanong sa palaisipan

Maling tanong sa palaisipan

Tingnan sa 30 Pahalang: "Sukat na katumbas ng tatlong pulgada." Ang pulgada ay inch sa Ingles. Anong sukat ang katumbas ng 3 inches?

Ang sagot sa palaisipan ay YARDA. Kung yarda, katumbas niyan ay 3 feet, hindi 3 inches. Tatlong talampakan o tatlong piye, hindi tatlong pulgada. "Sukat na katumbas ng tatlong talampakan" ang dapat na tanong. Sana'y naging maingat naman ang gumagawa ng mga krosword na ito.

Nakalikha tuloy ako ng isang soneto o tulang may labing-apat na taludtod hinggil dito:

MALING TANONG SA KROSWORD

pamali-mali na ang tanong sa palaisipan
balak yatang ang sasagot ay bigyang-kalituhan
ngunit sa maling tanong, nakita ang kabugukan
o marahil kawalang ingat ng gumawa niyan

bakit ang tanong ay "katumbas ng tatlong pulgada"?
imbes na "tatlong talampakan" sa sagot na YARDA
lasing ba ang gumawa o nalito lang talaga?
matatalino ang gumagawa ng krosword, di ba?

ang palaisipan ay isa rin namang aralin
upang ang ating bokabularyo pa'y paghusayin
baka may salitang sa tula'y magandang gamitin
o may matagpuang salitang malalim sa atin

pagbutihin ang paggawa ng krosword, aking hirit
at ganyang pagkakamali'y di na sana maulit

- gregoriovbituinjr.
08.05.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagdatal sa tahanan

PAGDATAL SA TAHANAN pang-apatnapu't siyam na araw, higit sambuwan mula sa ospital, umuwi kami ng tahanan alas-onse y medya kagabi kami d...