Biyernes, Agosto 6, 2021

Agosto'y Buwan ng Wika't Kasaysayan

AGOSTO'Y BUWAN NG WIKA'T KASAYSAYAN

parang pinagtiyap ng pagkakataon ba naman
para sa mga makata't manunulat ng bayan
na pagsapit ng Agosto'y may dobleng pagdiriwang
pagkat buwang ito'y Buwan ng Wika't Kasaysayan

napili itong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika
sa buwang sinilang ang Ama ng Wikang Pambansa
Agosto'y makasaysayan nang sinilang ang bansa
nang sedula'y pinunit ng Katipunerong sadya

sinabatas ang dalawang pagdiriwang na ito
upang halaga nito'y alalahanin ng tao
bansang may sariling wika't kasaysayang totoo
bilang pagsulong ng identidad ng Filipino

kasaysayan ay talakayin sa wikang sarili
habang sariling wika'y gamiti't ipagmalaki
at sa pamamagitan nito tayo'y nagsisilbi
sa sambayanan na marapat lamang ipagbunyi

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

* Ang Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa ay batay sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, habang ang Agosto bilang Buwan ng Kasaysayan ay batay naman sa Proklamasyon Blg. 339, s. 2012

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Respeto sa mga babaeng chess players

RESPETO SA MGA BABAENG CHESS PLAYERS naabutan natin ang labanang Kasparov-Karpov na talagang bibilib ka sa mga chess grandmasters nang minsa...