Miyerkules, Hunyo 2, 2021

SIKLAT pala ang Tagalog ng TOOTHPICK

SIKLAT PALA ANG TAGALOG NG TOOTHPICK

siklat pala ang tagalog ng toothpik, ows, talaga?
salitang Ingles na sa atin, may katumbas pala
ito naman ay nadaanan lang ng aking mata
habang sa isang talatinigan, may binabasa

bagamat may iba pang kahulugan iyang siklat
bakod, o biyak sa solido, o tulos ng baklad
o masamang rekord, aking nasaliksik na'y sapat
na toothpick pala'y may sariling salitang katapat

at nagpasyang gawan ng tula ang salitang ito
o kaya naman hinggil dito'y kumatha ng kwento
pagkakain nga'y dapat lagi tayong magsipilyo
kung nasa restoran, siklat ay gamiting totoo

sinusundot ng siklat yaong tinga pagkakain
dama'y maraming nakasingit na alalahanin
ano bang paniklat ang dapat ginagamit natin
upang di masira sa kasusundot itong ngipin

ah, may bagong katawagan na si Kumander Toothpick
pelikula ni Herbert noon, sa takilya'y lintik
ngayon sa tula'y gamiting walang patumpik-tumpik
patunayang sa taal na salita, bansa'y hitik

siklat - (Sinaunang Tagalog) tinik o palito na pantanggal ng tinga sa ngipin, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1136

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...