Martes, Abril 6, 2021

Ang lambana

ANG LAMBANA

oo, siya nga'y nakita ko na, isang lambana
lilipad-lipad, bubulong-bulong sa aking taynga
nasaksihan niya ang pagdiga ko sa dalaga
na ngayon ay naging kasama ko't napangasawa

anong rikit ng lambanang iyon, palipad-lipad
na di ko matingkala saan nanggaling na pugad
habang kinakayod ko ang niyog ng anong kupad
nag-iingat lamang akong magkasugat ang palad

ang lambana'y naroong tila bantay sa paglaki
gabay ko kahit sa panliligaw sa binibini
patnubay ko laban sa mga tulisan ng gabi
giya upang matalunton ang hahakbangang sibi

anang lambana'y di totoo ang kapre o aswang
ngunit matakot ka sa sinasabi nilang tokhang
buti na lang may lambanang gabay mula pagsilang
upang maiwasan ko ang anumang pananambang

- gregoriovbituinjr.

lambana - sa Ingles ay fairy
* litrato mula sa google, sa Encantadia ng GMA 7, nagngangalang Muyak ang lambana sa litrato

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ligalig

LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO...