Huwebes, Hulyo 23, 2020

Pahimakas kay Ka Susan Quimpo


Pahimakas kay Ka Susan Quimpo

sa tapat ng Korte Suprema unang nakilala
si Mam Susan Quimpo, na isang kapwa aktibista

may rali roon tungkol sa paglibing sa diktador
sa Libingan ng mga Bayani, aba'y que horror

at binati niya ako matapos kong bumigkas
ng likha kong tula sa munting programang palabas

matapos iyon ay marami pang mga pagkilos
ang sinamahan upang huwag malibing si Marcos

sa Libingan ng mga Bayani pagkat di ito
bayani, anang taumbayan, "Marcos is No Hero"

maraming grupong nabuo, Block Marcos, Coalition
Against Marcos Burial, at iba pang organisasyon

kung saan tula ko'y binibigkas ko sa kalsada
pati na sa isang konsyerto doon sa Luneta

at naroon si Mam Susan, ngiti ang pasalubong
animo'y isang ate, tiya, o inang naroon

tawag nga niya sa akin ay si Greg, ang Makata
na nakangiting babati matapos kong tumula

isa sa awtor ng aklat na mamo-"move ka sa tears":
“Subversive Lives: A Family Memoir of the Marcos Years"

alagad siya ng sining, manunulat ng bayan
na tulad ko'y naghangad ding baguhin ang lipunan

siya't nagsalita sa dinaluhan kong seminar
sa Martial Law Chronicle Project doon sa C.H.R.

kinwento niya ang karumal-dumal na martial law
tunay na guro para sa karapatang pantao

di namin malilimot ang kanyang mga inambag
upang ipaglaban ang karapatang nilalabag

ngayong siya'y wala na, taos-pusong pagpupugay
kay Mam Susan Quimpo, tunay kang dakila, mabuhay!

- gregbituinjr.

* Si Mam Susan Quimpo (Pebrero 6, 1961 - Hulyo 14, 2020), kasama ang kanyang kapatid na si Nathan Gilbert Quimpo, ang awtor ng nabanggit na aklat

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...