Biyernes, Abril 17, 2020

Ngumiti ka rin, huwag laging magmukmok

Ngumiti ka rin, huwag laging magmukmok

minsan, kailangan ding ngumiti, huwag magmukmok
sa isang tabi, dinanas mo man ay isang dagok
may magagawa ka pa kung ramdam mo'y pagkalugmok
dahil bawat umaga'y may pag-asang nilililok

halina't buong umaga'y punuin mo ng ngiti
matagal man ay maghihilom din ang bawat hapdi
lutasin ang suliranin mula ugat o sanhi
at sa puso't tanggalin ang ngitngit at pagkamuhi

salubungin mong nakangiti ang bagong umaga
isapuso mo't isadiwang may bagong pag-asa
at damhin ang hanging amihan kasama ang sinta
malulutas din ang kaharap mong isyu't problema

di laging sa likod mo'y nakatarak ang balaraw
di ka laging nasa dilim, may darating ding tanglaw
problema mo'y matatapos pag ikaw na'y gumalaw
manganak man muli ng problema'y may bagong araw

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Salà ng ina

SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon...