Martes, Marso 17, 2020

Sa gabi ng mga kuliglig

SA GABI NG MGA KULIGLIG

naririnig ko ang kuliglig sa gabing madilim
tulog pa sila kaninang tanghaling makulimlim
ngayon, kay-iingay nila't tila may sinisimsim
sa isang punong malabay na noon pa tinanim

magkapitbisig, ang hiyawan ng mga kuliglig
puso ng kalikasan ay pakinggan bawat pintig
damhin ang init ng bawat isa ngayong taglamig
at sabay-sabay umawit sa malamyos na tinig

dinig ng taumbayan ang awitang kakaiba
animo'y iniindayog ng magandang musika
sa pusikit na karimlan anaki'y may orkestra
at ipinagdiriwang ang buhay na taglay nila

salamat sa mga awit sa malungkot na gabi
at nagninilay habang nakatitig sa kisame
nakikinig sa kuliglig sa kantang hinahabi
ang umaga'y panibagong pag-asa, yaong sabi

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...