Martes, Nobyembre 19, 2019

Di lang kuto o garapata kundi mga kato

di lang kuto o garapata kundi mga kato
ang mga ganid na kapitalistang manananso
sa likod ng manggagawa'y nanininipsip ng dugo
tila mga buto nito sa tubo'y ginagato

tingin nila sa manggagawa'y sampung perang muta
na dapat lang baratin ang angking lakas-paggawa
na kung susuriin animo'y paurong ang diwa
na sa pagsisikap at buhay ng obrero'y banta

nais ng kapitalistang mamuno sa lipunan
na tila pabrika ang pagpapatakbo sa bayan
na dambuhalang kato'y di naman naninilbihan
na manggagawa'y kumakain na lang sa labangan

sa karapatan ng obrero, ito'y isang dagok
subalit palabang obrero'y di dapat malugmok
manggagawa na ang mamahala't dapat maluklok
kaya obrero'y maghanda sa pag-agaw ng tuktok

- gregbituinjr.

* kato - malaking garapata
labangan - kainan ng mga biik

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay

NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais n...