Martes, Nobyembre 4, 2025

Ang buhay ay isang paglalakbay

ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAKBAY

ang buhay ay isang paglalakbay
tulad ng kinathang tula'y tulay
sa pagitan ng ligaya't lumbay
sa pagitan ng bulok at lantay
sa pagitan ng peke at tunay

nilalakad ko'y mahabang parang
lalampasan ang anumang harang
pahinga'y adobo at sinigang
muli, lakad sa gubat at ilang
bagamat sa araw nadadarang

tao'y pagkasanggol ang simulâ
sunod mag-aaral mulâ batà
hanggang magdalaga't magbinatâ
ikakasal habang talubatâ
panaho'y lilipas at tatandâ

ang mahalaga rito'y paano
isinabuhay kung anong wasto
lalo na sa pagpapakatao
at pakikipagkapwa sa mundo
habang ginagawa anong gusto

di ang pagkamal ng kayamanan
o ng pribadong ari-arian
na kinurakot sa kabang bayan
yamang pagkatao'y niyurakan
yamang di dala sa kamatayan

- gregoriovbituinjr.
11.04.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang buhay ay isang paglalakbay

ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAKBAY ang buhay ay isang paglalakbay tulad ng kinathang tula'y tulay sa pagitan ng ligaya't lumbay sa pagit...