Lunes, Mayo 27, 2024

Tulog na si alaga

TULOG NA SI ALAGA

si alaga ko'y tulog na
ay, heto't ako'y gising pa
madaling araw na, aba
ay dapat nang magpahinga

nais ko na ring pumikit
tulad ng pusang kaybait
at sa pagtulog mabitbit
ang pangarap na kakabit

bakit nga ba nagsisikap
na abutin ang pangarap
upang di na naghihirap
pagkabigo'y di malasap

ano pa bang inaarok
di pa dalawin ng antok
at mamaya na'y puputok
iyang araw sa ituktok

sabayan na si alaga
at huwag nang tumunganga
mata'y ipikit nang kusa
hanggang makatulog na nga

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Daniel Quizon, bagong Chess Grandmaster ng Pilipinas

DANIEL QUIZON, BAGONG CHESS GRANDMASTER NG PILIPINAS si Chess International Master (I.M.)  Daniel Quizon ang  panglabingwalong Chess Grandma...