Sabado, Disyembre 9, 2023

Madaling araw

MADALING ARAW

di pa nagmamadali ang araw
sa pagsikat habang naninilay
ng makatang may biglang lilitaw
na mutyang bantog sa gandang taglay

tila siya naalimpungatan
habang ang mga mata'y malamlam
alalahani'y di matanganan
pagluha'y kailan mapaparam

karakaraka siyang bumangon
upang kaharapin ang paghilom
ng mga sugat niyang naipon
habang bibig at kamao'y tikom

nais niyang pumiglas, magwala
habang damdamin ay hinihiwa
ng balaraw ng laksang gunita
umaasa pa ring makalaya

- gregoriovbituinjr.
12.09.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ngayong Araw ni Balagtas, nais kong magpasalamat

NGAYONG ARAW NI BALAGTAS, NAIS KONG MAGPASALAMAT ngayong  Araw ni Balagtas , / nais kong magpasalamat sa lahat ng mga tulong / sa oras ng ka...