Huwebes, Enero 27, 2022

Selfie

SELFIE

noon, aayaw-ayaw mag-selfie 
pagkat di raw kasi mapakali
bakit ngayon ay paselfie-selfie?
gwapo na ba'ng tingin sa sarili

kung ano-ano na'y naiisip
buti't hininga'y di nagsisikip
may problema kayang halukipkip?
o sa mundo'y tila naiinip?

o baka naroon lang sa lungga?
ginagawa'y lagi nang kumatha
ang pluma'y nagkakalat ng dagta
sa papel ng sangkaterbang tula

o isa lang itong kabaliwan
ng isang makatang di uliran
hinahagilap lagi kung saan
ang mga katagang di malaman

aba'y mayroon na kasing selpon
may kamera na sa loob niyon
nire-record ko lang ang kahapon
at baka ubanin na paglaon

nagkakataon lang may kasama
sa likod, may advertisement pala
noon nga'y bihirang magpakuha
at ngayon na lang nang may kamera

- gregoriovbituinjr.
01.27.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagdalo sa Meet and Greet with National Artist Kidlat Tahimik

‎PAGDALO SA MEET AND GREET WITH NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK ‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr. ‎ ‎Nakadalo ako kaninang...