ayokong maglaba sa washing machine at kawawa
pagkat wawasakin lang nito ang aking pagkatha
paglalaba'y panahon ng pagninilay ng akda
sa pagitan ng pagkusot at naglipanang bula
may washing machine man sa bahay, nais kong magkusot
habang pinagninilayan ang samutsaring gusot
binabalangkas na paano durugin ang salot
kinakatha ang nangyayari sa bawat sigalot
puti't dekolor ay dapat munang ipaghiwalay
tulad ng tula't kwentong binubukod munang tunay
unahin ang puti bago ang labadang may kulay
batya'y igiban ng tubig at labada'y ilagay
kanawin mo ang pulbos o gamitin ang bareta
tulad ng tula, mga rekado'y ihanda muna
taludtod, saknong, pantig, sukat, talinghaga't rima
kusutin ang puti, palu-paluin, at ikula
iba ang ginagawa ko sa may kulay na damit
tulad ng kwento, may bida, banghay, eksena, bwisit
may sorpresa, ibinibigay, ipinagkakait
kusutin, banlawan, pigain, isampay, isipit
kaysa washing machine, kaysarap na baro'y kusutin
habang nagninilay ng mga paksang susulatin
pag baro'y natuyo, paplantsahin na't susuutin
tulad ng tulang natapos na ari nang bigkasin
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Trapo at basahan
TRAPO AT BASAHAN bentador ng bayan ang trapo ang turing sa dukha'y basahan trapo'y nanloloko ng tao ayuda ang nasa isipan ano bang a...
-
NEGOSYO LABAN SA KALIKASAN Negosyo versus kapaligiran Negosyante versus kalikasan Dahil sa tubo, silang gahaman, Sa kapwa ay walang pakialam...
-
PAGDATAL SA FAMY maraming sumalubong sa aming isyu rin ay dam taga-Pakil sila't nangangamba sa Ahunan dam na isang hydropower project at...
-
SONETO SA MUSA tulad mo'y patak ng ulan sa aking munting katawan tulad mo'y init ng araw sa panahong anong ginaw tulad mo'y mga ...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento