ANO ANG LIHIM NG KALIHIM O SEKRETO NG SEKRETARYO?
ano nga ba ang inililihim
ng kalihim, o ng sekretaryo?
salitang sadyâ bang isinalin
ng direkta, lihim at sekreto?
kung nagpi-preside ay presidente
dahil ang pangulo ang pang-ulo
nasa katawagan ang mensahe
nasa salitâ kung sila'y sino
tulad ko, sekretaryo heneral
ng dalawa kong organisasyon
iyan ang titulo nang mahalal
sa samahang may bisyon at misyon
magtago ng lihim ang kalihim
na may kinalaman sa samahan
mangalap ng datos na malalim
mga isyu't problema ng bayan
may sekreto rin ang sekretaryo
na sadyang kapaki-pakinabang
yaong pagsusulat ng minuto
kaalaman ng masa'y malinang
marami pang lihim ang kalihim
mga sekreto ng sekretaryo
bakit kaya siya naninimdim?
masakit ba'y ang pusò o ulo?
- gregoriovbituinjr.
12.02.2025
































